Ang Proyektong Chico River Hydroelectric Dam | Ma. Florina Orillos

August 8, 2018 | Author: Anonymous | Category: Documents
Share Embed


Short Description

MALAY 21.2 (2009): 35-44 Ang Proyektong Chico River Hydroelectric Dam: ... ang tungkol sa panukalang proyekto ng adminis...

Description

MALAY 21.2 (2009): 35-44

Ang Proyektong Chico River Hydroelectric Dam: Hamon ng Kaunlaran at Reaksyong Bayan 1965-1986 Ma. Florina Y amsuan Orillos-Juan Yamsuan Departmento ng Kasaysayan, Pamantasang De La Salle [email protected]

Tatalakayin ng papel ang tungkol sa panukalang proyekto ng administrasyong Marcos noong dekada ’70—ang Chico River Hydroelectric Dam—na makakaapekto buong Chico River Valley kasama na ang mga pamayanang dinadaluyan ng Ilog Chico. Sa panahon ng pagsusulong ng naturang proyekto, maigting itong tinutulan ng mga grupong etniko at aktibo nilang ipinarating ang kanilang mga sentimyento sa pambansang pamahalaan. Sa gitna ng pakikibaka ng mga katutubo laban sa proyekto, nagkaisa silang ipagtanggol ang kanilang karapatan sa lupang ninuno at ang pagkilos nila ay nakonsolida sa ilalim ng pamumuno ni Macli-ing Dulag. Hindi natuloy ang proyektong dam nang pinaslang si Mac-liing dahil diumano sa kanyang matinding oposisyon sa proyekto. Mga susing salita: Macli-ing Dulag, Chico River Hydroelectric Dam, Kalinga, Ilog Chico, lupaing ansestral The paper discusses the proposed project of the Marcos administration in the ‘70s—the Chico River Hydroelectric Dam Project—which could affect Chico River Valley and its surrounding communities. This project was strongly opposed by the ethnic groups who lived in the area and they communicated their sentiments to the government. The ethnic groups decided to defend their rights over their ancestral lands and consolidated their efforts under the leadership of Macli-ing Dulag. The dam project did not push through after the tribal leader was slain, purportedly because of his staunch opposition to it. Keywords: Macli-ing Dulag, Chico River Hydroelectric Dam, Kalinga, Chico River, ancestral land

© 2009 Pamantasang De La Salle, Filipinas

36

MALAY

Papaksain ng papel na ito ang mga kaganapang may kinalaman sa isang partikular na proyektong ninais na isakatuparan ng pamahalaang Marcos noong dekada ’70—ang Chico River Hydroelectric Dam na makakaapekto sa kabuuan ng Chico River Valley at sa mga pamayanang dinadaluyan ng Ilog Chico. Naging maigting ang pagtutol ng mga grupong etniko na maaaring maapektuhan ng naturang proyekto at naging aktibo sila sa pagpaparating ng kanilang sentimyento sa pambansang pamahalaan. Gayunpaman, naging matigas ang pamahalaan sa paglulunsad ng proyekto na sa kanilang pagtataya ay maghahatid ng kabutihan at bentahe sa buong bansa bagamat maisasakripisyo nito ang kapakanan ng mga lokal na pamayanan. Sa daloy ng pagpapanukala ng proyekto, sa gitna ng mga talakayan at pagkilos, maraming mga pagdurusa ang dinanas ng mga mamamayang apektado ng proyekto hanggang sa tuluyan nang magbuwis ng buhay ang isang lokal na pinuno. Sa dakong huli, naging mabisa ang pagkilos ng mga nagkaisang grupong etniko kontra sa proyekto ng pamahalaan. Pangunahing saligan ng maigting na pagtutol ng mga katutubo ang pagpapahalaga nila sa kanilang lupaing ansestral na siyang pangunahing maapektuhan ng proyekto. Hindi lamang mahalagang pinagkukunan ng pagkain sa arawaraw ang lupaing ito—narito rin ang kanilang pastulan ng mga hayop, pangisdaan, kuhanan ng tubig at iba pang pinagmumulan ng iba pang pangangailangan. Higit sa lahat, sagrado ang lupaing ito na itinuturing nilang natatanging biyaya ng kanilang diyos dahil ito ang bukal ng buhay at kultura ng kanilang mga pangkat etniko. Sa lupang ito uminog ang buhay at kalinangan ng kanilang lahi at dito rin nakalibing ang kanilang mga ninuno. Ang lupa ay ipinagkatiwala sa kanila ng Dakilang Tagapaglikha kung kaya naninila silang dapat itong pagyamanin, pag-ingatan, at alagaan ayon sa kanilang mga kaugalian at tradisyon. Bagama’t humigit-kumulang nang apat na dekada simula nang mangyari ang kontrobersya hinggil sa paggiit ng pambansang pamahalaan na itayo ang dam sa mga lupain ng Kalinga at Bontoc, hindi pa rin dapat kalimutan ang yugtong ito sa

TOMO XXI BLG. 2

kasaysayan ng bansa. Bagkus, dapat magbaliktanaw at tingnan ang saysay ng mga masalimuot na kaganapang ito sa sambayanang Pilipino. Sa pamamagitan nito, inaasahang higit na magiging maalam at kritikal ang mga gagawing pagpapasya hindi lamang ng mga opisyales ng gobyerno kung hindi maging ng mga mamamayan mismo. Ang pagtalakay ng paksa ay nahahati sa tatlong pagpapanahon. Ang unang bahagi ay kapapalooban ng mga taong 1965-1975 kung kailan nagsimulang mabuo ang pagpa-plano para sa proyektong dam. Ang ikalawang bahagi ay sumasaklaw sa mga taong 1975-1980 kung kailan (i) nagsimulang makipagtalastasan ang mga apektadong mamamayan hinggil sa kanilang marubdob na pagtutol sa proyekto at (ii) nagsagawa ng malawakang pagkilos ang mga tumututol sa proyekto. At ang ikatlong bahagi ay 1980-1986 kung kailan lalo pang ipapahayag ang maigting na pag-kontra sa proyekto lalo na nang patayin si Macli-ing Dulag.

PAGPAPANUKALA: 1965-1975 Taong 1965 nang isama sa mga proyektong pang-kaunlaran ng pamahalaang Marcos ang pagtatayo ng pinakamalaking dam sa Asia—ang Chico River Hydroelectric Dam—isang dam na nakikinitang siyang sasagot sa napipintong krisis sa enerhiya bunga ng kakulangan sa petrolyo. Pinamahalaan ng National Power Corporation (NAPOCOR) ang proyektong nakatakdang pondohan ng World Bank . Ginawa ng Lahmeyer International, isang kumpanyang Aleman, sa pakikipagtulungan ng Engineering and Development Corporation of the Philippines, ang Technical Feasibility Study ng proyekto noong 1973. Ang proyektong ito ay binuo ng apat na bahagi: ang Chico I na sasaklaw sa Bontoc, Bontoc; ang Chico II na sasakop sa Sandanga, Bontoc; ang Chico III na sasaklaw sa Basao, Kalinga; at ang Chico IV naman na sasakop sa Tomiangan, Kalinga (Licuanan 6). Batay sa pagtataya ng mga eksperto, maaari itong makapagsuplay ng 1,010 megawatts ng elektrisidad. Sa

37

ANG PROYEKTONG CHICO RIVER HYDROELECTRIC DAM

MA. FLORINA YAMSUAN ORILLOS-JUAN

apat na bahaging nabanggit, prayoridad ng pamahalaan ang konstruksyon ng Chico IV. Sa kabila ng nakikita ng pamahalaan na bentahe sa konstruksyon ng dam, hindi nito isinaalang-alang ang mga mamamayang direktang maaapektuhan ng proyekto. Tinatayang 15,000 pamilya o 100,000 katao ang nanganganib na maitaboy mula sa kanilang tirahan na kung ilang saling-lahi na ring nanahan sa mga lupaing iyon. Ayon sa plano ng pamahalaan, uunahing itayo ang Chico IV at maaaring mapalubog nito sa tubig ang anim na mga pamayanan sa Kalinga. Humigitkumulang na 1,000 pamilya ang mawawalan ng tahanan. Dagdag pa, malawak ang lupaing sasakupin ng binabalak na proyekto—ang mga sinasakang bukirin na maaaring malubog sa tubig ay umaabot sa halagang P31,500,00.00; samantala, mayroon ding ilang mga lupaing pagmamay-ari ng iba’t ibang pamilya sa Lubuagan, Dangtalan, Guinnang at Naneng, na nagkakahalaga naman ng P38,250,000.00; 1,200 mga payao at 5 hektarya ng mga punong namumunga taun-taon (Doyo 29-30). Sa kabila ng mga napipintong pinsalang ito, patuloy pa ring iginiit ng pamahalaan na higit ang bentaheng maidudulot ng pagpapatayo ng Chico IV na makapaghahatid ng 360 megawatts ng elektrisidad sa taong 1984. Tinatayang nagkakahalaga ng 2.9 bilyong piso (Villaba 28) ang proyektong Chico IV. Taong 1974 nang magsimulang mag-sarbey ang mga inhinyero at tauhan ng NAPOCOR sa lupaing binabalak pagtayuan ng dam.

sigalot ng iba’t ibang grupong etniko sa gawing iyon ng rehiyon ang KSDR. Gayunpaman, sa malalimang pagtatasa, hindi maikakailang isa itong hakbang upang tangkaing mapahinuhod ang mga mamamayan ng Kalinga na tanggapin ang proyekto. May sapat nang batayan kung bakit hindi lubusang nagtiwala ang mga mamamayan ng Kalinga sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang nangasiwa ng proyekto. Unang-una, may masama na silang imahen at reputasyon. Halimbawa, ang NAPOCOR ay basta na lamang nagpadala ng mga tauhan nito sa Kalinga upang magsagawa ng sarbey ng kalupaan na hindi man lamang nagpapasabi na sila ay darating. Sa pagbabalik-tanaw, hindi tinupad ng kompanya ang pangakong maayos na relokasyon para sa mga mamamayang naapektuhan ng pagtatayo ng dam sa Ambuklao, Binga at Pantabangan. Dagdag pa, sa tuwing magkakaroon ng mga pagpupulong, lagi silang nahuhuli na hindi man lamang binibigyan ng importansya ang kahalagahan ng oras para sa kanilang mga kapulong na Kalinga. Samantala, hindi rin sila nagtitiwala sa PANAMIN dahil sa kawalan nito ng kredibilidad bunga ng madalas na pagsisinungaling at panlilinlang. Sa katunayan, ilang prominenteng kasapi ng PANAMIN ang sumumpang ipapuputol ang kanilang ulo kung sakaling may pagtatangkang sumuporta sa proyektong dam (Garming 13). Naging matatag ang mga Kalinga sa pagtutol sa proyektong Chico River Hydroelectric Dam. Nabigo ang gobyerno na kumbinsihin ang mga tao na tanggapin ang proyekto sa pamamagitan ng mga suhol na salapi at pagbabanta. Bunga nito, isa na lamang ang nalalabing paraan para sa pamahalaan: magpadala ng militar upang “mapaamo” ang mga Kalinga. Unang ipinadala ng pamahalaan ang mga militar na naka-base sa Kalinga-Apayao. Sinundan ito ng 5th PC Battalion, 60 th PC Battalion, 51 st PC Battalion at ang 44th Infantry Battalion. Dahil sa labis na militarisasyon sa lugar, tinawag ng mga Kalinga na chuchacho ang mga sundalo. Mula sa panahong iyon, labis na kinasuklaman at kinamuhian ang terminong ito. Ayon sa mga Kalinga, ang mga chuchacho ay karaniwang

TALAKAYAN AT PAGKILOS: 1975-1980 Ipinasa ni Pangulong Marcos ang Presidential Decree 848 noong Disyembre 12, 1975 na lumikha sa ilang munisipalidad ng Kalinga-Apayao bilang kasapi ng Kalinga Special Development Region o KSDR. Kabilang sa mga munisipalidad ng kasapi ng KSDR ang Lubuagan, Tinglayan, Tanudan at Pasil. Ang KSDR ay nasa ilalim ng pamamahala ng Presidential Assistant on National Minorities o PANAMIN. Iginiit ng pamahalaan na isa sa mga maaaring solusyon sa tila wala nang katapusang

38

MALAY

nakatalaga sa iba’t ibang mga checkpoint upang bantayan ang ikinikilos ng mga mamamayan. Sinalakay din nila at pinagnakawan ang mga pamayanan, sinunog ang mga imabakan ng palay, ginahasa ang mga kababaihan, binugbog ang mga kalalakihan at ginawang target ng kanilang mga pamamaril ang mga alagang baka at kalabaw (Villanueva 7). Ang presensya ng mga chuchacho sa lugar bilang mga “tagapamayapang sugo” ng pambansang pamahalaan ay nagdulot ng labis na pagkatakot at pagdurusa sa mga Kalinga. Mula noong 1974 kung kailan nagsimulang mag-sarbey sa lugar ang NAPOCOR, hanggang Oktubre 1980, humigit-kumulang 3,500 katao na ang nakaranas ng kalupitan ng mga militar. Labinglima sa mga ito ang naging biktima ng ‘dimakatarungang pamamaslang (Alejandro 10). Bunga ng pagpapadala ng mga tauhan ng gobyerno sa Kalinga upang masarbey ang kabuuan ng lugar, naalarma ang mga mamamayan. Ang pagdating ng mga tauhan ng NAPOCOR sa kanilang lugar ay isang indikasyon na lahat ay gagawin ng pamahalaan upang ituloy ang proyekto. Nagkaisa ang mga Kalinga at Bontoc upang kumilos at hadlangan ang proyekto. Sa katunayan, noong Pebrero 1975, inilunsad ang Vochong Inc. na naglalayong tutulan ang pagtatayo ng dam (Justice and Peace Groups Report Findings 2) at noong Mayo 1975, ginanap ang Vochong Conference on Development sa Lungsod ng Quezon sa pakikipagtulungan ng Catholic Bishops Conference of the Philippines o CBCP at iba pang mga relihiyosong pangkat. Sa mga pulong na ito, may isang pinunong umalingawngaw ang pangalan dahil sa kanyang mariin at matapang na pagtutol sa proyekto—si Macli-ing Dulag, ang pangat o lokal na pinuno ng Butbut sa Bugnay. Si Macli-ing ay isa sa mga orihinal at miyembrong tagapagtatag ng Vochong Inc. Taong 1975, inialok ni Mac-liing Dulag at ng iba pang mga Kalinga ang bodong o kasunduang pangkapayapaan sa Tanglag upang magkaisa ang lahat ng mga pamayanan na tutulan ang napipintong proyektong makakaapektosa kanilang buhay at kalinangan. Isa pang bodong ang nilagdaan noong Hunyo 1978. Ngunit ang pinakarurok ng kanilang

TOMO XXI BLG. 2

pagtutol sa proyektong dam ay naganap noong Disyembre 1979, binalangkas ng tinatayang 150 lider ng mga Kalinga at Bontoc ang pagta-tibodong upang mabisang iparating ang maigting nilang pagtutol sa konstruksyon ng dam (Doyo 30). Ayon sa tradisyon ng Kalinga at Bontoc, ang pagta ay isang mahigpit at matatag na kasunduan sa pagitan ng dalawang pamayanan na naglalarawan sa mga nakapaloob na patakaran sa bodong. Napakahalagang matukoy ang mga hangganan ng sakop na pamayanan, ang kaligtasan at kaayusan ng pamumuhay ng mga mamamayang nagkasundong magtutulungan. Sa pulong na ito, napagpasyahan din ng mga pangat na hirangin si Macli-ing Dulag bilang opisyal na tagapagsalita ng kanilang nagkakaisang kilusan laban sa pagtatayo ng dam. Dahil dito, si Macli-ing Dulag ang napagtutuunan ng pansin ng mga opisyales ng pamahalaan upang kumbinsihin ang mga kapwa niya Kalinga at Bontoc na suportahan ang proyektong dam. Bunga ng ganitong layunin ng pambansang pamahalaan, makailang beses ding tinangkang suhulan ni Manuel Elizalde ng PANAMIN si Macli-ing. Inalok din siya na maging tagapag-ugnay ng KSDR subalit tinanggihan ni Mac-liing ang lahat ng ito dahil alam niyang ito ay isa lamang patibong. Minsan naman ay inanyayahan si Macli-ing sa himpilan ng PANAMIN sa Basao at inalok siyang pumili ng sinumang babaeng gusto niyang makatalik sa gabing iyon (Villanueva 7). Sa kabila ng mga tuksong ito, nanatiling matatag ang paninindigan ni Macli-ing Dulag na tutulan ang proyektong hydroelectric dam. Higit kaysa dati ang naging dedikasyon niya na gawin ang lahat upang tutulan ang balak ng pamahalaan. Dumalo siya sa pulong at talakayan upang makakuha ng suporta mula sa iba’t ibang mga pangkat na nakikiisa sa kanilang karanasan at sa posibleng mangyari sa hinaharap sakaling matuloy ang proyekto. Bunga ng aktibo niyang pagtutol, ikinulong si Mac-liing at ang iba pang mga pangat mula Abril hanggang Hunyo 1977. Nagkaroon rin ng inisyatiba si Macli-ing Dulag na gawing mainam na halimbawa ang naging karanasan ng mga naging biktima ng mga nauna

ANG PROYEKTONG CHICO RIVER HYDROELECTRIC DAM

nang ipinatayong dam upang ipaunawa sa mundo ang kanilang kalagayan at kagipitan. Binisita niya ang mga inilikas na mga mamamayan sa Pantabangan, Nueva Ecija bunga ng mga proyektong Binga at Ambuklao Dam sa Benguet at nalaman niya ang kalunos-lunos nilang kondisyon n sa estrangherong lugar na pinaglagyan sa kanila. Ang mga Ibaloy naman na naapektuhan ng proyekto ay bumalik sa kanilang dating tahanan matapos itakwil ang buhay na dinanas nila sa kanilang relokasyon sa Narra, Palawan (Aspiras 6). May mahalaga ring papel na ginampanan ang mga kababaihan upang tutulan ang proyekto. Sa pakikipanayam ni Wangdali-Kollin (118-130) sa mga kababaihang Kalinga na aktibong lumahok sa pakikibaka kontra sa proyekto, mababanaag ang sakripisyong inilaan nila upang tutulan ang proyekto at magkaroon ng mabuting hinaharap ang kanilang mga anak at apo. Narito ang ilang halaw mula sa kanilang mga salaysay: A. Catalina Bongaen, retiradong guro mula sa Lubugan, Kalinga: Isang araw, dumating ang mga militar sa paaralang pinagtuturuan niya at puwersahan silang pinadadalo sa isang pulong na nakatakdang gawin sa munisipyo. Sa malao’t madali, napagtanto niya na patibong lamang pala ito upang sila ay ikulong sa himpilang panlalawigan sa Bulanao, Tabuk. Nagsimula ang mga pag-aresto noong Enero 1976 hanggang Disyembre 1977. Ang ilan sa kanila ay kinulong sa Kampo Olivas hanggang 1977. Bunga ng mga pag-aresto at pagkakakulong na ito, humingi si Bongaen ng tulong sa Free Legal Assistance Group upang mapalaya ang iba pa niyang mga kasama. B. Angelita Cawilan, dating tagapangulo ng Kilusang Kababaihan ng Tanglag: Taong 1976 nang magkaroon ng usap-usap sa kanilang baryo patungkol sa pagtatayo ng dam. Alam niya ang hindi mabuting maiduudlot ng dam sa kanilang pamumuhay lalo pa at siya ay isa nang biyuda na kinakailangang mag-alaga at magpalaki ng

MA. FLORINA YAMSUAN ORILLOS-JUAN

39

anim na anak. Isa siya sa mga hindi dumadalo sa mga pagpupulong na inoorganisa ng PANAMIN para sa planong proyekto. Isa rin siya sa mga kababaihang nagpatala upang wasakin ang mga tent ng mga militar na nagpapatrolya habang sinasarbey ang kanilang lugar. Ang mga materyales gagamitin sa pagtatayo ng mga bunk houses ay ipinagtatapon nila sa kung saan-saan. Isa rin siya sa mga nabiktima ng mga militar sa kanilang pakanang dadalo lamang sa pagpupulong subalit sa himpilang panlalawigan dinala at ikinulong. lang araw pa at isa din siya sa mga inilipat sa Kampo Olivas. C. Laureana Awing Pasudag, residente ng Tomiangan, Tabuk, Kalinga: Labinlimang taon pa lamang siya nang mabalitaan niya ang tungkol sa proyekto. Sumama siya sa mga nagwasak ng tent at bunk house ng militar at NAPOCOR. Nahuli sila ng militar at nasugatan sa komprontasyong ito kung kaya’t huminto na siyang makilahok sa pagkilos. Mula noon, ipinagluto na lamang niya ng pagkain ang mga kasama nila na nagsasagawa ng magdamagang pagbabantay. D. Leticia Bula-at, residente ng Dupag, Tabuk, Kalinga at tagapagtatag ng INABUYOG (samahan ng mga Kababaihang Kalinga): Simula nang lumutang ang mga plano hinggil sa proyektong dam, nakibahagi na siya sa mga importanteng pagpupulong. Nagkaisa ang lahat na tutulan ang proyekto sa pamamagitan ng paglagda at pagtatak ng kanilang thumbmark gamit ang sariling dugo. Ang pangkat nila ang naatasang sumira sa mga kagamitan ng mga opisyales ng pamahalaan sa lugar na balak pagtayuan ng proyekto. E. Feliza Bayugao Tacalic, residente ng Tanglag, Lubuagan, Kalinga: Isa siya sa mga nagkaroon ng inisyatibang huwag siputin ang mga pagpupulong na inorganisa ng NAPOCOR at PANAMIN. Sa tuwing tatawag ng pulong, siya ang nangunguna sa pagsigaw na hindi dapat dumalo. Isa din siya

40

TOMO XXI BLG. 2

MALAY

sa mga tagapag-organisa ng mga kababaihan sa kanilang pamayanan upang mabisang ipatupad ang kanilang mga tungkuling wasakin ang mga gamit at materyales na inihahatid sa dam site. Biktima din si Tacalic ng ilegal na detensyon ng militar at dinala din siya sa Kampo Olivas. Ang mga salaysay at personal na karanasan ng mga kababaihang ito ay patunay ng matibay at ganap na pagkakaisa ng mga mamamayang Kalinga upang mahigpit na tutulan ang proyektong sisira sa kanilang kabuhayan at kultura. Hindi naging isyu ang kasarian o edad sa puntong ito—ang mahalaga, nagbigkis ang bawat isa bunga ng hamon na kanilang kinaharap sa panahong iyon. Naging napakasalimuot ng isyu ng planong proyekto hanggang sa mahaluan pa ito ng isyu tungkol sa naging partisipasyon ng New People’s Army o NPA. Malaki ang kinalaman ng pagkilos ng NPA sa labis na militarisasyon ng lugar. Nagkaroon ng mga usap-usap na ang kapalit ng pagtulong ng mga NPA sa Kalinga ay ang pagkakaloob sa kanila ng himpilan sa Cordillera (Del Mundo 5). May ilang mga Kalinga ang tuluyang lumahok sa NPA bilang mga Pulang Mandirigma o kasapi ng mga armadong puwersa na nakakalat sa baryo (Coloma 3). Ano ang katotohanan sa mga palagay na ito? Ayon sa pagdadalumat na ginawa ni Castro (191238), totoong may malalim na pakikipag-ugnayan ang NPA sa mga mamamayang Kalinga at maging sila man ay kumilos upang tutulan ang proyekto: “Noong 1976, ‘di-sinasadyang nakarating sa Tanudan, Kalinga ang isang yunit ng NPA mula sa Isabela, ang Pangkat sa Dulong Hilagang Isabela (PDHI) dahil sa pagtugis ng AFP. Naputulan ng ugnayan ang yunit na ito sa kanyang inang-yunit sa Hilagang Silangang Luzon. Dahil dito, nag-inisyatibo na itong kumilos sa Kalinga. Bagama’t pinahintulutan ng mga Kalinga na manatili ang bagong saltang mga NPA sa kanilang lugar, nanatiling malamig ang pakikitungo ng mga Kalinga sa kanila. Para maigpawan ang suliraning ito, pinakasalan ng

pinuno ng pangkat, na isang Waray, ang isang dalagang taga-Tanudan. Dahil dito, kinilala siya ng mga taga-Tanudan bilang “kadugo.” Binigyan siya ng bagong pangalan—Ka Sungar na nangangahulugang “siyang pumaitaas.” Mainit ding tinanggap ng mga taga-Tanudan ang iba pang kasapi ng NPA. Di kalaunan, nabalitaan ni Sungar ang oposisyon ng mga taga-Tinglayan sa proyektong Chico Dam. Tinungo ng dating PDHI ang Tinglayan upang umugnay sa mga tumututol sa dam. Nag-alok siya ng tulong sa mga pangat (tradisyunal na pinuno) upang mapigilan ang pagtatayo ng Chico Dam. Malugod na tinanggap ng mga pangat ang alok ng NPA. Bumase ang NPA sa Bugnay, Tinglayan, ang ili (nayon) ni Macli-ing Dulag, ang pangat ng Butbut Kalinga. Maraming kabataang Kalinga ang sumapi sa NPA upang labanan, sa paraang sandatahan, ang dam…. Napabalita sa buong lambak ng Chico ang paglakas ng NPA. Dinayo ng mga pangat mula sa iba’t ibang ili ang Bugnay upang magambag ng kanilang mga kalalakihan sa puwersa ng kilusan. Sa mga batang lalaki, naging oportunidad ang pagsapi sa NPA upang maging binyag tungo sa pagiging ganap na lalaki. Sa tradisyunal na lipunang Kalinga, hindi kinikilalang tunay na lalaki ang hindi pa nakakapatay ng kaaway sa pamamagitan ng pagsama sa ekspedisyon ng pamumugot. Sa konteksto ng dekada ’70, ang “kaaway” ay sinumang kumikilos upang matuloy ang Chico Dam. Saklaw nito ang mga sundalong AFP, mga inhinyero ng NAPOCOR, mga tauhan ng Presidential Assistant on National Minorities (PANAMIN) at opisyales ng Kalinga Special Development Region.”

PAGPAPASYA 1980-1986 Masigasig ang naging pagkilos at pakikibaka ng mga Kalinga upang hindi matuloy ang proyekto. Marami ang nakiisa sa kanilang ipinaglalaban mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, sa Pilipinas man, o maging sa ibang bansa. Gayunpaman, labis na nagulantang ang lahat noong gabi ng Abril 24, 1980. Ang opisyal na tagapagsalita ng mga Kalinga

41

ANG PROYEKTONG CHICO RIVER HYDROELECTRIC DAM

MA. FLORINA YAMSUAN ORILLOS-JUAN

at Bontoc hinggil sa usapin ng proyekto na si Macli-ing Dulag ay binaril sa sarili niyang bahay. Narito ang salaysay ng mga taong nakasaksi sa malagim na pangyayari:

sundalo at pinaghihinalaang mga kasapi ng 44th Infantry Battalion. Ang naturang hukbo ay pinamumunuan ng isang nagngangalang Lt. Adalem (Aspiras 6). Diumano, pinatawag ni Adalem ang mga kalalakihan at sila ay pisikal na sinaktan. Ang iba ay pinaiskwat sa init ng araw simula 9:00 ng umaga hanggang 12:00 ng tanghali. Pinahilera ang mga batang lalaki at inutusang suntukin ang sinumang kasunod niya. Naghasik ng sindak ang mga sundalo sa pamamagitan ng pagtangay sa mga mga alagang hayop ng mga Kalinga gaya ng manok, baboy, pati mga inimbak nilang butil. Ginulo din nila ang nananahimik ng mga mamamayan nang itapon pati ang pagkain ng mga sanggol at gayundin, nang ihagis ang mga sisiw na gumagala sa daan sa kumukulong tubig. May isang sundalo na nagtangay ng isang antique na gong (Villanueva 8). Samantala, itinanggi ng pamahalaang Marcos na may kinalaman ito sa pagkakapatay kay Macliing Dulag. Kabi-kabila ang sigaw mula sa iba’t ibang sektor na bigyan ng katarungan ang kanyang pagkamatay. Ksabay nito, kabi-kabila ang ipinakalat na propaganda ng pamahalaan. Hindi raw diumano pagtutol sa dam ang puno’t dulo ng pagpatay na ito kay Macli-ing, kundi ang matagal nang sigalot sa pagitan ng iba’t ibang tribo sa Kalinga at Bontoc. May ilang opisyales naman ng gobyerno na nagsabing ang baril na ginamit sa pagpatay kay Macli-ing Dulag ay ninakaw mula sa militar kung kaya posibleng ginamit ang naturang baril ng ibang taong nagnanais maghiganti kay Macli-ing. Samu’t saring bersyon mula sa iba’t ibang opisyales ang narinig na tumatangging may kinalaman ang pamahalaan sa pagpapatahimik sa dakilang pangat. Sa dakong huli, naiwan pa rin ang alingawngaw ng sigaw ng mga Kalinga at ng iba pang nakiramay sa kanilang kalagayan: “Katarungan para sa pagkamatay ni Macli-ing Dulag.” Ilang araw mula sa kanyang pagkamatay, inilibing ang dakilang pangat na si Macli-ing Dulag. Ayon sa kalinangang Kalinga, ang kaluluwa ng isang yumao, lalo na ang mga taong nabuhay nang marangal, ay patuloy na makikisalamuha sa mundo ng mga buhay bilang mga espiritung naglalagalag sa kalikasan. Ang mga espiritung ito ang

“Ang araw na ito ang parang isang holiday kaya’t maaagang natuog ang lahat ng tao. Dakong 10:00 ng gabi, narinig ang tunog ng mga sasakyang paparating sa dakong ibaba ng ilog Chico. Sakay ng dalawang Ford Fierra na patay ang ilaw ang mga sundalo. Nagsimulang magtahulan ang mga aso. Ilang minuto ang lumipas at ang mga sundalo ay tumawag sa harapan ng bahay ni Macli-ing. Sumigaw ang isang sundalo ng “Macliing, lumabas ka!” Sagot ni Macli-ing: “Kung ano man ang kailangan ninyo sa akin, bukas tayo mag-usap kung maliwanag na.” Hindi nagpumilit na pumasok sa bahay ang mga sundalo. Datapuwa at sinipa ng isa ang pintuan ng bahay upang ito ay bumukas. Tinawag ni Macli-ing ang kanyang kabiyak upaang pansamantalang hawakan ang pinto habang kinukumpuni ang nasirang saraduhan. Nagsindi si Macli-ing ng ilaw. Nang makita ng mga sundalo ang imahen ni Macli-ing sa pamamagitan ng isang puwang sa pinto, kagyat nagpaputok ng baril ang mga sundalo. Kaagad namatay ang dakilang pangat. Tinamaan siya sa kaliwang dibdib at kanang balakang” (Doyo 25).

Kinaumagahan, maraming natagpuang bala ng baril sa labas ng bahay ni Macli-ing. Ang mga ginamit na armas ay mula sa .30 kalibre na Brown Automatic Rifle at M-16 na Armalite. Natuklasan din ng mga tao na hindi lamang si Macli-ing ang pinagdiskitahan ng militar. Maging ang kapitbahay na si Pedro Dungon na isa ring pinuno ng kanilang nayon, ay sinalakay din ng mga sundalo. Ngunit higit siyang mapalad sapagkat daplis lamang sa braso ang kanyang natamo sa pagsalakay ng mga militar. Apat na araw matapos paslangin si Macli-ing Dulag, sinalakay ng mga militar ang Ngibat at Butbut. Ayon sa mga nakakita sa mga dumating na militar, humigit-kumulang sa tatlumpu ang mga

42

TOMO XXI BLG. 2

MALAY

tagapatnubay ng mga mahal nila na nabubuhay pa. Sa pagpanaw ni Macli-ing, nag-iwan siya ng pamana at alaala na nagsilbing inspirasyon sa mga naiwang ka-ili upang lalo pang ipagpatuloy ang pakikibaka laban sa proyekto. Nagpatuloy ang pag-alingawngaw sa sambayanang Pilipino at sa buong mundo ng iniwan niyang hamon sa mga kapwa Kalinga: “Ano ang pinakamahalagang bagay para sa tao? Buhay. Kung may pagbabanta sa buhay, ano ang nararapat gawin ng tao? Lumaban. Kinakailangan niya itong gawin kung ayaw niyang mabatikan o marungisan ang kanyang pagkatao, sapagkat kung magkakagayon, ang pangyayaring ito ay higit na malubha kaysa kamatayan. Kung hindi tayo lalaban at matutuloy ang pagtatayo ng dam, mamamatay din tayo. Ngunit kung tayo ay lalaban, mamamatay tayong may dangal. Kung kaya’t hinihikayat ko kayong lahat na lumaban. Yayamang kalooban nating makibaka ngayon, maaring mapakinabangan ng ating mga anak ang lupaing para sa mga Kalinga. Tataglayin ng lupa ang ating pawis at dugo. Magsasakripisyo tayo upang sila ay mabuhay nang matiwasay at maayos. Tayo ang magsisilbing gabay ng mga susunod na salinlahi. Papatnubayan natin ang mga kabukiran at kanayunan, pagpapalain ang kanilang buhay magpahanggang sa walanghanggan. Itina n o n g n i n y o s a a m i n k u n g pagmamay-ari namin ang lupa ngunit pagkaraan ay kinutya naman ng ganito: “Nasaan ang inyong titulo?” Kapag itinanong namin kung ano ang ibig ninyong sabihin, sinasagot ninyo kami nang buong pagmamayabang: “Nasaan ang mga dokumentong makapagpapatunay na pagmamay-ari ninyo ang lupa?” Isang kahambugan at kabalintunaan ang pagsasabing pag-aari natin ang lupa. Hindi magkakagayon sapagkat tayo ang pag-aari ng lupa. Paano mo aariin ang isang bagay na nariyan na simula’t sapul? Tanging ang lipi ang nagmamay-ari ng lupa sapagkat ang lipi ay nabubuhay ng walang hanggan.

Ang pag-angkin sa kinagisnang lupain ay karapatan ng tao. Kung ang mga hayop ay may kagustuhan na umangkin ng isang lugar upang kanilang maging tahanan, ang tao pa kaya? Ang tao ay ipinapanganak at nabubuhay. Binigyan tayo ni Apo Kabunian ng buhay at inilagay tayo sa daigdig upang mabuhay nang makatao at marangal. Saan nanggaling ang buhay? Sa lupa. Ang paglilinang ng lupa ay isang katungkulan, hindi lamang isang karapatan. Sa pamamagitan ng paglilinang ng lupa, nagiging pag-aari mo ito. Samakatwid, ang lupa ay isang biyayang dapat pangalagaan. Hinikayat ni Apo Kabunian ang lahat ng kanyang mga anak na pagyamanin ang lupa. Ang lupa ay banal at minamahal. Sa kanyang sinapupunan nanggagaling ang buhay ng mga Kalinga. [salin sa wikang Filipino ng may-akda mula sa ‘The Wisdom of Our Ancestors” na nailathala sa Alternative Futures (1986)].

Sa dakong huli, dahil sa presyur mula sa iba’t ibang sektor sa Pilipinas at maging sa ibang bansa, at lalo na dahil sa maigting na pagtutol at pakikibaka ng mga Kalinga, nagpasya ang World Bank noong unang mga taon ng dekada ’80 na huwag nang pondohan ang proyektong hydroelectric dam sa Kalinga. Mula noon, natuto ang naturang bangko na umupa ng mga ekspertong tagapayo na magsusuring mabuti ng isang proyekto bago nila ito pagpasyahang bigyan ng pondo (Magno 8).

KONKLUSYON Ang dekada ’70 sa ilalim ng rehimeng Marcos ay isang napakasalimuot na yugto sa kasaysayan ng bansa. Bukod sa kontrobersyang idinulot ng pagdedeklara at pagpapatupad ng Batas Militar, maraming mga patakaran sa panahong ito ang umani ng maigting na pagtutol mula sa mga mamamayang Pilipino. Isang mabuting halimbawa ang pagbalangkas ng mga proyektong maghahatid ng “kaunlaran” at “progreso” sa maraming dako ng Pilipinas. Gayunpaman, naging mapaniil ang gobyerno bunga ng paggigiit nito na sapilitang

43

ANG PROYEKTONG CHICO RIVER HYDROELECTRIC DAM

MA. FLORINA YAMSUAN ORILLOS-JUAN

gamitin ang lupang tahanan ng mga grupong etniko para sa mga proyektong “pangkaunlaran.” Bilang resulta, humantong ito sa pagkawalay at pagtaboy ng mga etnolinggwistikong grupo sa kanilang lupaing ansestral. Ayon kay Magno (1993), ang mga grupong etniko ay naging mga “development refugees” bunga ng ganitong uri ng mga proyekto. Puwersahang inookupa ang kanilang mga lupain at napipilitan silang lumikas sa mga lugar na estranghero para sa kanila. Bilang resulta, dumanas ng labis na pagdurusa ang mga mamamayan sapagkat hindi sila makaangkop sa bagong lugar at kalinangan at gayundin, ay hindi sila makahanap ng mapagkukunan ng kanilang ikabubuhay. Malinaw na sinasalamin ng isyu ng planong konstruksyon ng Chico River Hydroelectric Dam ang magkataliwas na pagtingin ng pambansang pamahalaan at ng mga etnolinggwistikong grupo ukol sa usapin ng pagmamay-ari ng lupa. Para sa gobyerno, bahagi ng karapatan nito na mag-ukol ng mga lupain sa mga proyektong pangkaunlaran. Mangyari pa, isinusulong ng pamahalaan ang ganitong konsepto bunsod na rin ng karapatang gawad dito ng konstitusyon. Gayundin, sa pananaw ng pamahalaan, makasasapat na ang kaukulang kabayaran para sa mga lupaing nais nitong pagtayuan ng proyekto. Pinapayapa din nila ang pangamba ng mga apektadong komunidad na mawawalan sila ng tahanan sa pamamagitan ng pagbibigay ng relokasyon. Iba naman ang pananaw ng mga etnolinggwistikong grupo ukol sa lupa. Malalim ang ugat ng lupa sa kanilang kultura at tradisyon Napakahalaga ng lupa para sa kanila sapagkat naniniwala silang ito ay ipinagkatiwala sa kanila ng mga diyos kung kaya’t nararapat na pangalagaan. Ilang salinlahi na ang nag-alaga sa lupang kanilang pinananahanan. Labis nang pagdurusa ang dinanas ng kanilang mga ninuno para lamang mahawan ang lupang kanilang tinitirahan. Mauugat ito sa pagpapahalaga nila sa gawain ng uma o pagkakaingin na nakapagpapaalala sa kanila kung gaano naghirap ang kanilang mga ninuno sa paglinang sa lupa. Importante din ang mga payao o hagdan-hagdang palayan sa mga Kalinga sapagkat isa pa itong patunay sa pagsisikap ng mga

nauna nilang salinlahi na pabutihin ang gawi at uri ng kanilang pamumuhay. Hindi lamang ang napipintong pagkalubog ng mga payao ang dahilan kung bakit maigting ang pagtutol ng mga Kalinga. Nangangamba din sila na maging ang mga libingan ng kanilang mga ninuno ay matangay ng agos ng dambuhalang tomo ng tubig ng dam (Sugguiyao 159). Sa gayon, malalapastangan nang husto ang sagradong libingan ng kanilang mga mahal sa buhay. Malinaw na kung sapilitang paaalisin ang mga grupong etniko sa lupain ng kanilang mga ninuno at tuluyang mawalay sa lupaing kanilang kinagisnan, may tiyak na panganib itong dulot sa kanilang kalinangan, kabuhayan at kakanyahan o identidad bilang isang natatanging pangkat. Sa pamamagitan din ng nagkakaisang sentimyento na tutulan ang proyekto, natunghayan kung paano tumugon ang mga grupong etniko sa isang nakaambang suliranin. Ginamit nila ang taal nilang mga pamamaraan upang pagbigkisin ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng bodong at pagta-ti-bodong na isang matibay na kasunduan upang sila ay magkaisa sa mariing pagtutol sa proyektong kakamkam sa kanilang lupain at magdudulot ng krisis sa kanilang identidad bilang isang grupong etniko. Kapansin-pansin din na maayos at sistematiko ang kanilang mga pagkilos at bawat isa ay may kani-kaniyang papel na ginampanan. Ang lahat ay nakasangkot, maging ang mga kababaihan at kabataan. Sa kasalukuyang panahon, nararanasan pa din ng mga etnolinggwistikong grupo ang pagbabalewala ng pambansang pamahalaan sa kanilang kapakanan. Bukod sa naghihikahos na paghahatid ng mga serbisyong panlipunan sa kanilang mga pamayanan, hindi na rin bago ang kuwento tungkol sa pangangamkam ng kanilang mga lupain. Hindi man mag-inisyatiba ang pamahalaan upang pagtayuan ng mga proyektong pangkaunlaran ang kanilang mga lupaing ansestral, mayroon pa ring mga manggagantsong negosyante, mamumuhunan o pribadong indibidwal ang nagkaka-interes at nagnanais na kamkamin ang kanilang lupain. Sa dakong huli, kinakailangang kilalanin ng pamahalaan ang katotohanang nararapat lang na igalang ang kalinangan,

44

MALAY

pangalagaan ang karapatan at itaguyod ang kapakanan ng mga grupong etniko sa bansa sapagkat binubuo man sila ng maliit na sektor, bahagi pa din sila ng lipunang ating ginagalawan.

MGA SANGGUNIAN Agbayani, Rene.”Some Indigenous Traditions in the Philippines: Their Implications on Environmental Conservation.” Kasarinlan (3rd Quarter 1993): 55-69. Alejandro, Leandro. “Macli-ing Revisited: This is No Time for Crying.” WHO 16 May 1981: 11-12. Aspiras, Jose. 1980. “A Question of Survival: Kalingas Cry for Murder.” WHO 31 May 1980: 6-8. Castro, Nestor. “Ang Kilusang Komunista sa Kordilyera: Pagtatagpo ng Ideolohiya at Taal na Katutubong Kultura.” Philippine Social Science Review Special Issue (JanuaryDecember1994.): 191-238. Cobsilen, Clifford. “The Proposed Chico River Dam.” Conservation Circle June 1997. Coloma, Roberto. “Color the Chico Red.” WHO 26 May 1982: 3 at 6-7. Del Mundo, Fernando.”Land Problems Drive the Kalingas to the Warpath.” Focus Philippines 8 September 1994. Domoguen, Robert. “Tribal Activism.” Dateline 5-11 October 1982: 22. Doyo, Ma. Ceres. “Was Macli-ing Killed Because He Damned the Chico Dam?” Philippine Panorama 29 June 1980: 24-30. Dozier, Edward. The Kalinga of Northern Luzon. New York: Rinehart and Winston, 1967.

TOMO XXI BLG. 2

Garming, Max. “The Dam War.” WHO 10 February 1979: 12-13. Garming, Maximo.. “The Economic Development of Kalinga.” Dialogue December1978: 51-62. Giron, Eric. “Goodbye to Ancestral Home.” Examiner 11 April 1978: 34-35. Giron, Eric. “Upheaval in Kalinga.” Examiner 20March1978: 32. Jimenez, Rosario. Kalinga Special Development Authority: Its Role in the Development of Kalinga Apayao. Quezon City: UP, 1990. Licuanan, Patricia. “Alin nga ba ang dapat unahin?” Sagisag, Oktubre 1978: 6. Magno, Francisco. “The Growth of Philippine Environmentalism.” Kasarinlan (3rd Quarter 1993): 7-18. Reyes, Fred. “A Dam Over Troubled Waters.” Philippine Panorama 18 September1983: 4450. Sugguiyao, Miguel. The Kalinga Hilltribe of the Philippines. Quezon City: Office of Northern Cultural Communities, 1990. Villaba, Noel. “Dark Clouds over the Cordilleras.” WHO 13 October 1979: 28-29 at 33. Villanueva, Rene. “A Reign of Terror in the Kalinga Highlands?” WHO 21 June 1980: 6-8. Villanueva, Rene.”The WHO Interview (with) Pedro Dungoc.” WHO 21 June 1980: 37-38. Wangdali-Kollin, Estefania. “Heroines in Kalinga: The Chico River Dam.” Review of Women’s Studies (January-June 1998): 118-130. ________. “Chico Dam Conflict: Justice and Peace Groups Report Findings. NASSA News June-July 1980: 2-3 at 18-19. ______. The Wisdom of Our Ancestors (From the Words of Macli-ing Dulag). Alternative Futures 1986.

View more...

Comments

Copyright © 2017 DOCIT Inc.